Chapter 34

73.6K 6.1K 1.7K
                                    

Chapter 34

Tawag

Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko na hahayaan pang may pumatak na luha mula sa aking mga mata sa pagpapatuloy ng paglalakbay na ito. Ngunit hindi naman masamang lumuha mula sa kagalakan.

Hindi naman masamang ang mga luha'y gawing saksi ng matinding saya at tuwa.

Iba't ibang uri ang alulong ng mga sama-samang mga lobo, ngunit ang alulong na siyang naririnig kong namamayani sa buong kagubatan ay walang dalang kahit anong uri ng suliranin, kundi isang mainit na pagsalubong. Pagsalubong na hindi ko inaasahan.

Isang dalagita ang siyang binigyan ng daan ng mga lobo, nahawi silang lahat at hinayaan siyang tahakin ang daan patungo sa akin.

Aming mga mata'y natuon sa kanya. Sina Caleb at Rosh ay kapwa dumistansya sa akin upang mabigyan ng pagkakataon na lubos na lumapit sa akin ang dalagita.

"Maligayang pagdating sa kampo ng Halla Eberron, Diyosa mula sa Buwan." Ang kanyang ngiti'y hindi mapawi habang nagniningning ang kanyang mga mata sa akin.

Nakikita ko ang pangangatal ng kanyang mga kamay na ngayon ay may hawak na koronang bulaklak. Alam kong para iyon sa akin, nalalanghap kong sariwa pa iyon at minadali niyang gawin sa aking biglaang pagdating.

Muling lumukso ang aking puso.

Nang nasa mundo ako ng mga diyosa, sa Deeseyadah, nahirapan akong magkaroon ng ganitong uri ng pagkilala, at nang sandaling bumaba ako'y hindi ko na naisip na mararanasan ko ito. Ngunit iba pa rin talaga ang init at pangtanggap ng mga nilalang na ginawan mo ng panatang paglilingkuran at iingatan.

Gusto kong mag-angat ng tingin sa buwan at walang humpay ng magpasalamat. Salamat dahil sa akin niya iginawad ang kapangyarihang mayroon ako ngayon, na ako ang pinili niyang yumakap sa mga nilalang na ito.

Ang mga lobo ang mga nilalang na higit na naabuso simula nang maganap ang makasaysayang matataas na trono, at ipinapangako kong hanggang doon na lamang ang kanilang pagdurusa.

Marahan akong yumuko sa harapan niya na saglit niyang ikinagulat, ngunit nang tipid akong ngumiti sa kanya at makita niyang sumulyap ako sa bulaklak na korona na alam kong pinagsikapan niya, hinayaan ko iyong ilagay niya sa ibabaw ng aking ulo.

"Salamat..."

Kasabay nang pagtuwid ko sa aking pagtayo ay ang sunud-sunod na pagyuko ng mga lobo sa aking direksyon.

Sa sulok ng aking mga mata'y nakikita ko si Divina na nakangiting nakayakap sa leeg ni Caleb habang natutuwang nakatitig sa akin. Si Caleb ay hindi rin maalis ang ngiti, maging sina Nikos at Hua.

"She is really a Queen. Someday... I want to be a queen."

Ngumuso si Caleb. "But I want you to be my forever little princess. Ayaw ni Uncle Caleb na lumaki ka..."

"Sabi mo, Uncle Caleb, dalaga na 'ko?"

"Ah... yeah."

Hindi rin nagtagal ay unti-unting nagtungo ang mga lobo sa likuran ng mga puno upang magpalit ng kanilang mga anyo. Ngunit ang atensyon ko'y naroon pa rin sa matikas na lobo na hanggang ngayon ay nakatindig sa burol, ang kanyang mga mata'y ginto at kasalukuyan pa rin nagniningning habang nakatanaw sa amin.

"Iyon si Lucas, hindi ba?" tanong ni Caleb.

"Ang aming Alpha'y malugod kayong sinalubong, tinipon niya ang lahat ng mga lobong narito sa Eberron upang mabigyan silang lahat ng pagkakataong makita ng personal ang kasalukuyang diyosang may hawak sa buwan." Paliwanag ng dalagita.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now