Chapter 29

72.5K 6.2K 3.1K
                                    

Chapter 29

Paalam

Simula nang ako'y isilang sa Deeseyadah, hindi ko inisip na labis akong maghahangad ng mga bagay na lubos na susubok sa aking kakayahan.

Noo'y nais ko lang maging ordinaryong diyosa na walang hawak na responsibilidad, diyosang simpleng sumusunod sa batas at nakikinig sa bawat balita tunkol sa mundong siyang nakamulatan ko.

Isang pamumuhay na simple lamang at walang komplikasyon. Hindi ba't halos lahat naman ay nais ang kapayapaan? Malayo sa problema at sakit, malayo sa suliranin at paghihirap.

Iyon ang pinapangarap ng nakararami, isang mundong ang ligaya ang siyang namamayani at hindi kaguluhan. Ngunit nang namulat ako sa katotohanan, nakilala ang mga nilalang na lubos na naabuso sa likod ng huwad na perpeksyon ng mundo, natuto akong sumugal... natuto akong lumaban at higit sa lahat natuto akong magsakripisyo.

Kasabay ng pagbukas ng aking mga mata'y ang puso kong natutong umibig at mangarap... mangarap na maghandog na totoong kapayapaan sa piling niya.

Ngunit mukhang ang pangarap na iyon ay magagawa kong matupad... na wala sa tabi niya.

Isinusumpa kong ito na ang huling araw na siya'y magiging dahilan ng aking mga luha. Isinusumpa kong sa sandaling matapos ang sumpang ito, ang aking mga mata'y tititig lamang sa kanya dahil sa kanyang posisyon at kapangyarihan... ngunit ang aking puso'y wala nang mga mata sa kanya.

Isinusumpa kong sa ritwal na ito'y tuluyan nang papanaw ang Leticia na lubos na umiibig sa kanya, ang diyosang gagawin ang lahat para sa kanya.

Ako na ang puputol sa paulit-ulit na trahedyang nararanasan ng mga diyosang bumaba sa lupa. Hindi dapat ganito ang siyang ipinararanas nila sa amin.

Ang diyosa mula sa kasaysayan ay nagmahal lamang ngunit paulit-ulit na pinarusahan, si Reyna Talisha'y umibig lamang sa kabila ng kanyang misyon at ako'y pilit lamang itinatama ang lahat ng mali at humihiling na siya'y kapiling... ngunit ano itong isinusukli nila sa amin?

Ako ang unang puputol sa aming walang katapusang paghihirap, ang unang diyosang lalaban sa sakit at patuloy na sakripisyo... ang unang diyosang pipiliing higit na kalimutan ang pagmamahal.

Dahil hindi ko na nais pang masundan kami at maranasan ang paghihrap na ito. Hindi dahil kilala kaming may purong puso at busilak na puso'y bibigyan namin sila ng walang hanggang dahilan upang pagsamantalahan kami...

Kami'y may damdamin din... at marunong mapagod.

Ipinagpatuloy ko ang aking paghakbang papalapit sa patay na puno. Ang aking mga nakaapak na paa'y maingat na tinatahak ang bawat simbolong nakaukit sa sahig, mga guhit na kung saan sabay na naglandas ang pinaghalong dugo ni Haring Thaddeus at Reyna Talisha.

Sa bawat laban ko sa Deeseyadah, tanging si Diyosa Neena ang siyang nakasuporta sa akin, ang kasuotang napili ko'y siya pa ang gumawa nang sandaling gamitin ko ito at angkinin ako ng buwan. Hindi ko akalaing darating muli ang pagkakataong gagamitin ko ito sa ibang pagkakataon.

Ibang uri ng laban...

Ilang hakbang pa lamang ang siyang aking nagagawa nang makarinig ako ng pamilyar na himig ng plauta.

Tila ramdam na ramdam din ni Rosh ang tensyon sa loob ng kubong bulwagan at ang kanyang plauta ang siyang tanging naiisip niyang paraan upang ibsan ang bigat nito.

Ipinikit ko ang aking mga mata kasabay nang pagbuka ng aking mga braso at palad. Dinama ang bawat himig ng plauta, kasabay nang unti-unting paglabas ng dalawang punyal sa aking mga palad. Mariin humawak doon ang aking mga kamay at nang sandaling nagmulat ang aking mga mata, napakaraming punyal na ang nagliliwanag at kasalukuyang nagliliwanag sa ere.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now