Chapter 17

64K 5.2K 795
                                    

Chapter 17

Temptasyon

Nang sandaling ang karwahe'y tuluyang pumasok sa tulay, tila mas kumapal ang usok, ilang beses kumurap ang liwanag na nagmumula sa aking mga punyal at ang ingay na siyang tanging namayani ay ang mga yabag ng mga kabayo at gulong ng aming karwahe.

Halos wala na kaming makita sa unahan dahil sa tindi ng usok na hanggang ngayon ay hindi ko alam kung saan nagmumula.

Nang mapansin ko tila may mabilis na ibon na lumipad sa gilid ni Nikos mariin kong hinawakan ang tali at kinabig ko ang parte kung saan siya nakahawak.

"Nikos!"

Agad niyang pinilig ang sarili niya na parang paraan iyon upang magising siya. Muntik na siyang lumingon.

"I'm sorry..."

Habang tumatagal ay mas lalong bumabagal ang mga yabag ng kabayo, nararamdaman ko na rin ang pagkabalisa nila at natatakot ako na anumang oras ay mawalan na kami ng kontrol sa kanila.

Kahit pilit kong patatagin ang sarili ko hindi ko mapigilan ang lubos na pangangatal ng kamay ko, maging ang nagwawalang tibok ng puso ko'y hindi mawari.

Ilang beses nang naibigay sa aking mga kamay ang kanilang buhay simula ng naglakbay kami, sa pagitan ng mga laban at bawat pagtakbo upang magpatuloy...

Pero iba sa pagkakataong ito, dahil ang matindi nilang kalaban ay ang kanilang sarili. Isang bagay na mahirap tulungan... isang laban na kailangan nilang ipanalo sa sarili nilang paraan.

Ngayo'y hindi na lamang yabag ng mga kabayo ang siyang naririnig namin, dahil tila sumisipol ang hangin dahilan kung bakit gumagalaw ang mga usok, ngunit sa bawat paggalaw nito'y kalituhan sa mga mata ng mga kabayo ang ibinibigay.

Tuwid lang ang tulay ng temptasyon pero nang sandaling pumasok kami tila ito'y lumawak at nagkaroon ng iba't ibang daan.

Pilit kong pinatatalas ang pakiramdam ko at sinisiguro ko na nakaantabay ako sa bawat galaw nina Nikos, Hua at Rosh.

Paminsan-minsan ay may uwak na dumadaan sa gilid ng karwahe na tila tinutukso sina Rosh, Hua at Nikos na lumingon at mawala sa konsentrasyon. Alam kong mababaw na panlilinlang lamang iyon, pero hindi mawala ang takot sa dibdib ko.

"It's just a bad bird. Don't look." Ani ni Divina.

Marahan kong tinapik ang ulo ni Divina. "Good girl."

Muli kong ibinalik ang mga kamay ko sa tali. Alam kong sa tagal namin dito ay hindi pa rin kami nakakarating sa kalahati ng tulay.

Tipid kong sinulyapan sina Rosh at Nikos sa gilid ng aking mga mata, nakikita ko ang lubos nilang pamamawis sa kanilang mga noo. Mas dumiin ang pagkakahawak ko sa tali, lubos din ang kaba sa kanilang dibdib.

Ibinalik ko ang aking atensyon sa unahan. Sa bawat pag-usad ng karwahe pilit kong pinaglilinaw ang isipan ko.

Nararamdaman ko na ang pag-atake ng tulay sa aking isipan...

Hindi lang tukso ang ginagawa nito sa isipan ng isang nilalang kundi impormasyon o mga alaala na konektado sa kanya.

"Leticia, bawat bagay, lugar, nilalang o kaya'y mga pangyayari ay may kaakibat na diyosa na siyang nangangalaga..." paliwanag ni Diyosa Neena habang may hawak na aklat.

Kapwa kami nakaupo sa kanyang balon habang tinutulungan niya akong mag-aral para sa darating na pagsusulit.

"Ngunit may ilan din namang mga lugar, bagay at pangyayari na hindi natin kayang hawakan... tila ang mga iyon ay nabuhay nang may sariling kapangyarihan at hindi na kailangan ng pangangalaga..."

Moonlight War (Gazellian Series #5)Where stories live. Discover now