Chapter 22

70.7K 6.1K 3.2K
                                    

Chapter 22

Kumpirmasyon 

"Dastan!"

Marahas na pagtawag sa kanyang pangalan ang siyang nakagising sa akin. Marahas akong napabangon na napupuno ng mga luha.

Anong klaseng bangungot iyon?

Titingnan ko sana si Divina sa kanyang pagkakatulog upang malaman kung nagawa ko siyang abalahin, nang makaramdam ako ng hindi tama sa aking katawan.

Ang luha na akala ko'y titigil ay mas lalong bumuhos kasabay nang pagmamadali kong lumayo sa prinsesang mahimbing na natutulog, at magmadaling tumakbo papalayo sa lugar kung saan kami namamahingang lahat.

Ngunit hindi na rin ako tuluyang nakalayo nang hindi ko na mapigilan ang kaninang pinipigilan ko.

Napahawak na ang isa kong kamay sa malaking puno upang bigyan ng suporta ang aking sarili, pilit kong sinapo ang aking mga labi na parang may magagawa iyon upang pigilan ang siyang kinatatakutan ko.

Ngunit wala iyong nagawa...

Kusang lumabas ang sarili kong dugo sa aking bibig at dumanak iyon sa palad ko.

Sumusuka ako ng dugo...

Nangangatal ang buong katawan ko habang patuloy sa pagdaloy ang dugo mula sa bibig ko na tila may kung anong bagay sa loob ko na hindi niya kayang tanggapin.

Gusto kong humagulhol ng pag-iyak, ngunit pilit kong pinipigilan ang sarili ko upang walang makarinig sa akin.

Halos hindi ko na magawang matanggap kung panaginip nga iyong nakita ko... ngunit ngayong nararamdaman ko ang kumpirmasyon.

Bumigay na ang mga tuhod ko at napalugmok na ako sa lupa. Yumugyog ang aking mga balikat habang nakatulala akong nakatitig sa aking mga palad na ngayo'y nababahiran na ng aking dugo.

Dugo mula sa pakikipag-isa niya sa iba...

"D-Dastan... bakit?"

Hindi ko na magawang makita ng malinaw ang palad ko at ang tanging nangingibabaw lamang ay ang pulang kulay na tila unti-unting kumikitil sa akin.

Ganoon na lang ba ang galit niya sa akin? Hanggang ngayon ba ay naniniwala siyang ginusto ko siyang saktan gamit ang sarili kong mga kamay?

Mahal na mahal ko siya na gagawin ko ang lahat upang tulungan siya sa darating na digmaan.

Ang kailangan ko lang ay pagtitiis niya at pagtitiwala sa akin...

Ngunit bakit?

"D-Dastan..."

Nang makaramdam akong muli ng pagsusuka ay pilit na akong tumayo. Hindi ako maaaring manatiling mas malapit sa lugar kung saan sila nagpapahinga. Maaaring malanghap nila ang aking dugo.

Sa kabila ng panghihina ko ay pinilit kong lumipad sa ere at naghanap ng pinakamalapit na ilog para roon ay ibabad ang sarili ko at umagos ang dugong nagmumula sa akin.

Nang sandaling yakapin ng tubig ang kabuuan ko, kasabay nang malakas na pag-agos nito, sinamantala ko na ang ingay na nagmumula rito at hinayaan ko ang sarili kong humagulhol sa pag-iyak.

Bakit ang paulit-ulit na katanungan ko sa kanya.

Halos isang oras kong ibinabad ang sarili ko sa ilog hanggang sa matapos ang pagsusuka ko ng dugo. Hinang-hina na ako nang subukan kong umahon at tuluyan na akong nawalan ng malay nang sandaling tumapak ako sa lupa.

***

Boses nina Rosh at Divina ang siyang gumising sa akin. Nasa mga bisig ako ng ikalawang prinsipe ng Deltora habang kapwa nakadungaw sa amin sina Hua, Nikos at Divina na may mga matang puno ng pag-aalala.

Moonlight War (Gazellian Series #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon