Boss

5.2K 444 41
                                    

Chapter Eleven

NAISIP ni Meredith na puntahan si Suzy sa kabila ng nangyari. Kung intensyon man nitong pagnakawan siya nang araw na iyon ay hindi na importante. Dahil mali man ang paraan nito para masolusyonan ang problema ay mauunawaan niya if she did it out of desperation. Na sa kagustuhan na magkaroon ng pera sa mabilis na paraan ay iyon na lamang ang naisip para hindi maibenta ng nagpalaki ritong nanay-nanayan. Bagaman kung siya ang nasa katayuan nito ay magpapakalayo-layo na lang siya kung saan hindi siya masusundan at magsisimula ng bagong buhay. Tutal ayon naman kay Lola Miling ay parang hindi anak ang turing dito ng nakagisnan nitong magulang. 

Hindi masamang tumanaw ng utang na loob. Ngunit kung masasakripisyo na ang buong buhay at kinabukasan ng isang tao ay hindi na yata makatarungan iyon.

"Tao po, tao po," kumatok siya sa isang pinto na tila nanghihingi na ng kapalit dahil uka-uka at parang nagagabok na ang kahoy.

Walang sumagot sa tawag niya.

Malapit lang naman iyon mula sa tindahan ni Lola Miling. Tanaw mula sa kanyang silid. Na nang ipagtanong niya sa dating yaya kung paano niyang mapupuntahan si Suzy para mangumusta ay niyaya siya nito paakyat sa inookupang kuwarto para maituro ang bahay.

"Tao po," muling pagtawag niya sabay katok sa pinto.

Mayamaya pa ay may narinig siyang kaluskos mula sa loob ng bahay. Kasunod niyon ay ang papalapit na yabag  sa pinto na parang padabog pa nga ang bawat bagsak ng paa. At nang padarag niyong buksan ang pinto ay halos matanggal iyon sa bisagra.

"Sino ka at ano kailangan mo?" mabalasik na bungad sa kanya ng isang babae na halatang hindi pa man lang nakakapagsuklay at mumog.

Inawat ni Meredith ang sarili na takpan ang ilong sa nakasusulasok na amoy na sumalubong sa kanya. Kahit may isang dipa ang layo nila sa isa't isa ay langhap na langhap niya ang hindi kanais-nais na amoy ng ginang.

"Ako po si Mari, apo ni Lola Miling," hindi pagkasindak ang naramdaman ni Meredith nang bumuglaw ang babae, sa halip ay indifference. 

"O, eh, ano ang kailangan mo?" nakataas ang isang kilay na tanong nito. Hinayon pa siya ng tingin mula ulo hanggang paa na parang sinusuri ang kanyang buong pagkatao. "Kung naparito ka para pabalikin si Suzy sa pagtulong sa tindahan ng Lola mo, nag-aaksaya ka lang ng oras. Hindi na siya babalik do'n dahil higit na mas malaki ang perang maiaabot  niya sa akin sa bago niyang trabaho kaysa sa pagtulong sa maliit na tindahan niyo."

Anong klaseng trabaho? Ang magbenta ng katawan para matustusan kayo? ngali-ngaling isagot ni Meredith sa babae. Pero minabuti niyang rendahan ang bibig. "Gusto ko lang ho sana siyang makausap."

"Tungkol saan?"

"If you... um, kung puwede ho sana sa kanya ko na lang sasabihin."

Umismid ang babae bago siya muling tinaasan ng kilay. Kung hindi sa sinabi ni Lola Miling na ampon lamang ng kinalakhang ina nito si Suzy ay maiisip niyang mukhang hindi naman dahil halos nagkakapareho lamang ng ugali ang babaing kausap niya at ang una.

"Natutulog siya at hindi puwedeng istorbohin. Isa pa, sa palagay ko ay hindi naman importante ang sadya mo sa kanya kaya makakaalis ka na."

Napahinga nang malalim si Meredith. "Pakisabi na lang po na pumunta si Mari."

"Makararating."

"Salamat po."

Patalikod na sana siya nang may isang babae ang matapat sa harapan ng bahay nina Suzy. Naka-curlers ang buhok, nakasuot ng polka dots na bestida, suot ay gomang tsinelas, at kilik sa tagiliran ang isang bata na tulad ng ina ay tila hindi pa nakakapaghilamos.

The Untouchables Series Book 2 Vengeance LiuWhere stories live. Discover now