Kabanata 1 - Taong 2013

53.4K 3.5K 2K
                                    

Kabanata 1 - Taong 2013


"What the hell are you doing here in my bathtub?!"


"A-ano?" Tiningnan ko ang kinaroroonan namin. "Batab?"


"I don't like repeating myself, woman!"


Kaming dalawa ay nasa isang tila malaking pahabang planggana na puno ng puting bula. Nasa magkabilang dulo kami, magkaharap at halos magdikit na ang aming mga binti sa ilalim ng tubig. Nais kong mag-alala dahil nga sa nakahubad siya. Ngayon lamang ako nakakita ng dibdib at balikat ng isang lalaki maliban sa aking ama at bunsong kapatid kaya nararapat lamang na magulat ako. Ngunit naisin ko mang magwala ay mas lamang sa akin ngayon ang pagkamangha.


Inilingap ko muli ang aking paningin sa paligid. Nasa isang silid kami na higit na malaki at malawak kaysa sa kapiraso kong silid. Mabango ang lugar na ito, malamig, at masarap sa mga mata ang kulay ng dingding na wari ko ay yari sa semento. Semento nga ba talaga? Tila napakakinis kasi niyon at tila mga parisukat na pinagdikit-dikit upang makabuo ng pader. Marami ring banyagang gamit sa silid na ito na hindi ko maintindihan kung paano ginagamit at kung para saan.


Nakakapagtaka. Paano nga ba ako napadpad dito?


Ang huling natatandaan ko ay ang aking pagkahulog sa bangin, kasabay ng isang nakakasilaw na kidlat sa langit!


Paanong mula sa isang madilim na kakahuyan, maputik na lupa, at malalim na bangin ay bigla akong nagmulat sa lugar na ito? Panaginip lang ba ang lahat ng ito?


"Tell me what's going on?!" bulyaw na naman ng lalaking hubad. Wala siyang kapaguran sa kakabulyaw sa akin kanina pa. Gusto ko na tuloy siyang ingudngod sa bula.


Alam ko na Ingles ang kanyang wika. Bahagya akong nakakaunawa nito dahil bago pa man kami sakupin ng mga Hapon ay naging tagahatid ng prutas si Ama sa isang Amerikano sa bayan. May mga ilang salita sila na bahagyang tumanim sa aking isipan. Subalit hindi lahat ng mga salita na binibigkas niya ay aking nauunawaan.


"Is this some kind of prank?!"


Tinaasan ko ng kilay ang lalaki sa aking harapan. Tiyak ko na hindi siya Amerikano dahil narinig ko siyang nagsalita sa wikang Pilipino kanina.


Bumaba ang paningin niya sa aking kasuotan. Nayakap ko ang aking sarili. Hindi niya maaaring masinag ang katawan ko na malamang ay bumabakat na ngayon dahil sa nabasa ang aking baro maging ang panloob na kamison.


"At bakit ganyan ang suot mo?"


Umingos ako. "Baro't saya. Ito ang wastong kasuotan. Anong masama?"


"Mukhang basahan!"


Aba't walang modo ang lalaking ito!


"Kaysa sa iyo na walang saplot," hindi ko napigilang isabulong.


Future With YouWhere stories live. Discover now