Ang Simula

146K 4.9K 2.3K
                                    

1944

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.

1944


DISI-OTSO NA AKO. Kung wala lang sana ang digmaan at karahasang namamayani sa kasalukuyan ay baka niligawan na ako ng binatang anak ng kapitan ng baryong ito. Ipupusta ko ang imbak kong pampaligong gugo, iniibig ako ni Jose Fernando. Sa dami ba naman ng kadalagahan dito ay tanging sa akin lang napapakagat-labi ang guwapong talipandas na iyon.


O, Jose Fernando na bagamat minsan'y maloko ay tunay namang maginoo. Nanuot sa aking dibdib ang panghihinayang at lungkot sapagkat ang aming mga damdamin ay hindi nagkakaiba. Simula pa noong aming kabataan ay itinatangi ko na siya. Ngunit sa kasawiang palay ay hanggang roon na lamang ang lahat. Mabigat man sa kalooban ay kailangan ko nang tanggapin na ang aking pinapangarap na normal na buhay ay mananatili na lamang na isang pangarap.


Sa panahon ngayon, ang mga araw na malaya ang sino man na umibig at ibigin, ay matagal nang naglaho sa sangkalupaan. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata upang itulog ang aking nadarama. Ngunit panandalian pa lamang ang aking paghahanap sa antok, nang ako ay matigilan bigla.


Batid ko ang kalaliman ng gabi nang aking maulinigan ang ilang kaluskos. Nagmulat ako at bumangon mula sa aking lumang papag. O bat ang dilim? Wala na ang apoy ng nag-iisang lampara na nakapatong sa dulang na tuwing gabi'y nagsisilbing liwanag sa aming tahanang yari sa pawid at kawayan.


"Sinag..." pabulong na boses na nakilala kong pag-aari ni Ama. Gising pa siya?


Bumangon ako mula sa aking pagkakahiga sapagkat ako'y kinutuban nang hindi maganda.


Sa tulong ng lumalagos na liwanag ng buwan mula sa siwang ng bintana ay aking naaninag ang anino ni Ama. Dumungaw siya sa siwang bago niya ako nilapitan. "Kailangan mo nang lumisan."


"Ho?" Namilog ang aking mga mata.


"Paparine ang mga Kempetai eka ni Ka Perlita!"


Napuno ng takot ang aking dibdib. Kempetai ay ang mga militar na hapon na lumusob sa aming bayan ilang buwan na ang nakararaan. Ang mga ito ang dahilan ng digmaan at karahasan! Mariin akong napahawak sa braso ni Ama. "Alam na ho ba ito ng ating mga kababaryo?" nag-alalang tanong ko.


"Marae na ang may alam kaya ang karamiha'y naghahanda na. Huwag ka nang makupad at ika'y maghanda na rin."


Hinila niya ako patayo at mula sa kung saan ay may dinampot siyang makapal na tela at ibinalabal sa akin. Dahil hindi lihim sa aming lahat na ano mang araw at oras ay maaring magkaroon ng kaguluhan ay hindi ko na inugaling matulog ng naka-kamison lamang. Baro't saya pa rin ang aking kasuotan hanggang sa paghiga ko sa higaan.

Future With YouWhere stories live. Discover now